Kinuwestiyon ni Private Prosecutor Atty. Lorna Kapunan ang pangangailangan ng depensa na magharap ng 16 na opisyal ng bangko bilang mga testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Tinawag pang “ampaw” ni Atty. Kapunan ang mga haharap na testigo dahil wala naman itong mai-aambag sa impeachment proceedings.
Ayon kay Kapunan, limitado lamang ang layunin ng kanilang testimonya dahil tatanungin lamang umano ang mga kinatawan ng bangko kung nakatanggap sila ng mga kahilingan mula sa depensa para sa mga dokumento at kung tumugon ang mga ito sa naturang requests.
Sinabi ni Kapunan na kung hanggang sa mga naturang usapin lamang ang itatanong sa mga testigo, maaari umanong matapos sa loob lamang ng isang oras ang pagdinig sa lahat ng 16 na kinatawan ng bangko.
Dahil dito, kinuwestiyon niya ang pangangailangang magharap ng ganito karaming testigo kung limitado lamang naman ang impormasyong kanilang maibibigay sa impeachment proceedings.