Tinatayang umabot na sa 1,660 kilo ng oil-contaminated materials ang nakolekta ng Philippine Coast Guard (PCG) mula sa oil spill na naganap sa baybaying sakop ng Barangay Ipag, Mariveles, Bataan, hanggang 5:00 ng hapon nitong Nobyembre 7.
Ayon sa PCG, nasa 83 sako ang mga nakolektang materyales na pansamantalang inilagak sa isang lokal na transfer station sa Mariveles.
Inihahanda na ang mga ito para sa turnover sa isang accredited oily waste collector at treatment, storage, and disposal facility upang matiyak ang wastong paghawak at pagproseso sa mga ito.
Samantala, nagsagawa ng joint inspection ang PCG at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Mariveles dakong 2:00 ng hapon upang suriin ang karatig na katubigan.
Wala namang nakitang bakas ng langis o oil sheen sa ibabaw ng tubig.
Dahil dito, inililipat na ng PCG ang operasyon mula sa aktibong pagtugon sa oil spill tungo sa monitoring operations sa apektadong lugar.