Photo courtesy of BFAR
Pansamantalang ipinagbabawal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang paglalayag at pangingisda sa karagatang sakop ng Puerto Princesa, Palawan at Tubbataha Reefs Natural Park bukas, Nobyembre 9.
Kaugnay ito ng nakatakdang pagpapalipad ng Long March 12 rocket patungong kalawakan mula sa Hainan, China, sa pagitan ng alas-4:17 at alas-4:47 ng umaga.
Sa abiso ng Philippine Space Agency, hindi inaasahang babagsak sa mga matataong lugar sa Pilipinas ang rocket debris.
Gayunman, maaari itong magdulot ng panganib sa mga barko at bangkang pangisda na dadaan sa nasabing lugar.
Posible ring lumutang ang mga debris at maanod patungo sa mga kalapit na baybayin.
Pinag-iingat ang publiko sa paglapit o pagpulot sa mga debris dahil sa posibleng taglay nitong mapanganib na sangkap.
Pinapayuhan ding agad ipagbigay-alam sa mga lokal na awtoridad ang anumang kahina-hinalang labi na makita sa dagat o lupa.