Umabot na sa 7,340 ang kaso ng dengue sa Quezon City, habang 1,130 naman ang naitalang leptospirosis cases, mula Enero 1 hanggang Nobyembre 5 ngayong taon.
Batay sa dengue surveillance update, pinakamaraming kaso ang naitala sa mga batang edad sampung taon pababa, na may 3,201 cases.
Pinakamataas ang kaso sa District 2, kabilang ang mga barangay Bagong Silangan, Batasan Hills, Commonwealth, Holy Spirit at Payatas, na may pinagsamang 2,654 cases.
Nakapagtala rin ang lungsod ng 43 dengue-related deaths, at 16 dito ay mula sa District 2.
Samantala, mas mataas ng 56 % ang leptospirosis cases kumpara sa kaparehong panahon noong 2025.
Sa 1,130 kaso, 69 % o 776 ay mga edad 21 taon pataas, habang 859 ay mga kalalakihan. Nakapagtala rin ng 77 leptospirosis-related deaths, kung saan pinakamataas ang kaso sa District 2 at sampung nasawi ang naitala sa Barangay Commonwealth.