Matatanggap na ng mga kwalipikadong kawani ng gobyerno sa kanilang unang sahod ngayong Nobyembre ang year-end bonus katumbas ng isang buwang basic salary at karagdagang P5,000 cash gift.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), aabot sa P83-bilyon ang inilaan para sa pagbabayad ng nasabing dalawang benepisyo.
Pinaalalahanan ni DBM Secretary Kim Robert De Leon ang mga ahensya ng pamahalaan na sabay na ipamahagi ang year-end bonus at cash gift, at huwag nang ipagpaliban sa susunod na payroll.
Nilinaw ng kalihim na naipamahagi na ng DBM ang kinakailangang pondo sa mga kinauukulang ahensya.
Saklaw nito ang mga kwalipikadong civilian personnel, gayundin ang military at uniformed personnel na nakapagsilbi nang hindi bababa sa 120 araw mula Enero hanggang Oktubre 31 at nananatili sa serbisyo sa naturang petsa.
Layunin ng benepisyong ito na kilalanin ang serbisyo at dedikasyon ng mga kawani ng pamahalaan sa taumbayan.