Pinalalakas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mga Pilipinong marino sa pamamagitan ng pagpapalakas ng voluntary arbitration at mabilis na pagresolba sa mga alitan sa paggawa.
Ito ay kasunod ng panunumpa ni Labor Secretary Francis N. Tolentino sa mga bagong halal na opisyal at board of directors ng Maritime Voluntary Arbitrators Association of the Philippines o MVAAP, na ginanap sa DOLE Central Office nitong November 9.
Pinangunahan ni Arnel Z. Dolendo ang mga bagong opisyal bilang pangulo ng asosasyon.
Hinimok ni Tolentino ang maritime voluntary arbitrators na magsilbing mata at tainga ng pamahalaan laban sa illegal recruitment, paglabag sa kontrata, at hindi ligtas na kondisyon sa trabaho ng mga marino.
Binigyang-diin din ng kalihim ang pagtatatag ng Maritime Labor Affairs Office o MLAO upang pag-isahin sa isang tanggapan ang legal assistance, conciliation, dispute settlement, workers’ education, at employment services para sa mga marino.
Samantala, nagtalaga rin ang National Labor Relations Commission o NLRC ng mga labor arbiter na may orihinal at eksklusibong hurisdiksiyon sa mga labor claim ng land-based at sea-based overseas Filipino workers.
Inimbitahan din ni Tolentino ang mga arbitrator na dumalo sa ika-15 ASEAN Labour Inspection Conference sa Pampanga ngayong November 10, kung saan tatalakayin ang inspeksyon sa mga fishing boat upang matiyak ang proteksyon sa karapatan ng mga mangingisda.