Pinalagan ni House prosecutor Terry Ridon ang pahayag ng kampo ni Vice President Sara Duterte na nabigo ang House prosecution sa paglalahad ng mga ebidensiya laban sa bise presidente.
Ito ay kasunod ng pahayag ng tagapagsalita ng bise presidente na si Atty. Paolo Panelo na bigo ang prosekusyon sa kasong impeachment laban kay Duterte.
Harapin na lang dapat ng depensa ang mga financial records na tinanggap ng Senate impeachment court bilang ebidensiya.
Sinabi naman ni private prosecutor Benjamin Tolosa Jr., kung talagang bigo ang prosekusyon, bakit maghaharap ang depensa ng 24 na testigo sa unang linggo pa lamang ng kanilang presentasyon.
Punto pa niya ni hindi kinuwestyon ng depensa ang pagiging authentic ng mga dokumentong tinanggap bilang ebidensiya, sa halip ay tinutulan lamang ang pagtanggap sa mga ito dahil sa confidentiality at bank secrecy.
Kabilang sa mga dokumento ang asset declarations, tax records at bank records na ginagamit ng prosekusyon sa pagtukoy sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng bise presidente.