Ipinagtanggol ng mga mambabatas mula sa iba’t ibang partido politikal ang paglalaan ng pondo para sa mga multi-purpose building sa ilalim ng inaprubahang 2027 General Appropriations Bill (GAB) ng Kamara.
Ito’y kasunod ng pagkukuwestiyon ng People’s Budget Coalition sa iniulat na ₱43-bilyong dagdag na pondo para sa naturang mga proyektong imprastraktura.
Ayon kay House Appropriations Senior Vice Chair Albert Garcia, nasa 4,000 multi-purpose building lamang ang nakapaloob sa 2027 budget, katumbas ng 10% ng mahigit 42,000 barangay sa buong bansa.
Dahil dito, iginiit ni Garcia na nananatili ang pangangailangan para sa mga naturang pasilidad, partikular sa mga malalayong komunidad sa labas ng Metro Manila.
Paliwanag niya, hindi lamang covered court ang silbi ng mga multi-purpose building dahil ginagamit din ang mga ito para sa sports at zumba, bilang daycare center, lugar ng mga pagpupulong at paghahatid ng serbisyong panlipunan ng gobyerno, gayundin bilang evacuation center tuwing may kalamidad.
Ibinahagi rin ni Garcia ang isang multi-purpose building sa Bataan na binisita kamakailan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nilagyan ng solar panels at charging station upang makatulong sa pagtitipid sa enerhiya.
Sa Distrito naman ni Speaker Faustino Dy III sa Isabela, sinabi ni Garcia na ginagamit din ang mga naturang pasilidad bilang lugar na pinagbibilaran at pinatutuyuan ng palay.
Samantala, sinabi ni Negros Oriental 3rd District Rep. Janice Degamo ng Lakas-CMD na maraming malalayong sitio ang walang ibang pampublikong pasilidad maliban sa paaralan, kaya isang gusali ang nagsisilbing lugar para sa iba’t ibang pangangailangan ng komunidad.
Pagtiyak naman ni Camarines Sur 4th District Rep. Arnie Fuentebella ng Nationalist People’s Coalition o NPC, lahat ng panukalang multi-purpose building ay nagmumula sa kahilingan ng mga barangay at lokal na pamahalaan at maipapasok lamang kung makasunod sa limang dokumentong hinihingi bilang rekisitos.
Binigyang-diin din niya, na ang mga kahilingan para sa pagtatayo ng mga pasilidad ay nagmumula sa mga lokal na opisyal at komunidad na walang sapat na kakayahang magpatayo ng sariling gusali.
Nilinaw naman ni Rep. Romeo Momo ng Surigao del Sur na nagkakaiba ang halaga ng alokasyon para sa mga multi-purpose building dahil nakadepende ito sa laki at populasyon ng bawat komunidad.