Hindi bababa sa 500 impormasyon ang natatatanggap ng Philippine National Police (PNP) na may kaugnayan sa kinaroroonan ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ito ang inihayag ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. nang hingan ng update hinggil sa Senador na ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) ay inaasahang magpapasko umano sa piitan.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni Nartatez na galing ang mga impormasyon sa iba’t ibang source gaya ng mensaheng ipinadadala sa kaniya, sa mga opisyal ng PNP maging sa mga himpilan ng Pulisya sa buong bansa.
Dumaraan aniya ang lahat ng ito sa masusing pagsasala at beripikasyon kung saan, ilan sa mga ito ay napuntahan na ng mga operatiba sa pamamagitan ng operasyon.
Samantala, tiniyak naman ng PNP Chief na walang pulitika ang pag-aresto kay Dela Rosa.
Kaugnay nito, pinabeberipika na niya kung may mga opisyal ba ng PNP ang naka-assign sa Mindanao o Davao na naging dati nyang mga tauhan.
Sakali kasing mapatunayan na hindi sila propesyunal sa trabaho ay mapaparusahan sila sa pamamagitan ng pagsasampa ng administratibong kaso.