Hinimok ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga kwalipikadong botante na magparehistro nang maaga para sa 2028 National at Local Elections.
Ayon kay COMELEC Chair George Erwin Garcia, magsisimula ang Voter Registration bukas, November 10, at magtatagal hanggang June 30, 2027.
Pinaalalahanan ni Garcia ang publiko na huwag nang hintayin ang mga huling araw ng registration upang maiwasan ang mahabang pila at posibleng aberya.
Mas maagang binuksan ang registration period kasunod ng pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na orihinal na nakatakda noong November 2, 2026.
Nauna nang pinagtibay ng Supreme Court ang constitutionality ng batas na nagtatakda ng limang taong termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan.
Dahil dito, sa November 2028 na gaganapin ang susunod na Barangay at SK Elections.
Inaasahan ng COMELEC na aabot sa humigit-kumulang 74 milyon ang mga rehistradong botante para sa 2028 National at Local Elections.
Patuloy ang paghahanda ng mga lokal na tanggapan ng COMELEC para sa pagbubukas ng registration sa buong bansa.