Inatasan ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng regional office at operating unit nito sa buong bansa na magtipid at iwasan ang labis na paggastos sa mga Christmas party at pagtitipon sa pagtatapos ng taon.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magtipid sa gastusin, habang nahaharap ang bansa sa epekto ng very strong El Niño, mga nagdaang kalamidad, at ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.
Nilinaw naman ni Nartatez, na hindi ipinagbabawal ang mga pagtitipon. Maaari pa rin aniyang magdiwang, basta’t simple pero makabuluhan, para mailaan ang pondo sa pagtugon sa mga pangangailangan ng bansa, at sa pagpapalakas ng serbisyo publiko.
Iginiit din ng PNP chief, na dapat maging huwaran ang pulisya sa iba pang ahensya ng pamahalaan sa pagsunod sa kautusan ng pamahalaan.
Nagbabala naman si Nartatez, na pananagutin ang mga tanggapan at yunit ng PNP na hindi susunod sa nasabing direktiba.