Personal na nasaksihan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panunumpa sa tungkulin ng 5,211 bagong na-promote na mga guro at school heads, gayundin ng 234 na bagong-hire na School Counselor Associates (SCA), sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) System ng pamahalaan noong Nobyembre 9, 2026.
Dinaluhan din ni First Lady Liza Araneta Marcos ang seremonya na ginanap sa CSI Stadia, Lucao District, Dagupan City, habang pinangasiwaan naman ni Department of Education (DepEd) Secretary Edgardo “Sonny” Angara ang panunumpa ng mga bagong naitalaga at na-promote na kawani ng edukasyon.
Nagmula ang mga benepisyaryo sa anim na Schools Division Offices (SDOs) sa Pangasinan, kabilang ang Pangasinan I, Pangasinan II, Alaminos City, Dagupan City, San Carlos City, at Urdaneta City.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang mahalagang papel ng mga guro sa paghubog ng kinabukasan ng bansa. Kinilala rin niya ang kanilang dedikasyon at ambag bilang mahalagang katuwang sa pagpapaunlad ng bansa.
Sa ilalim ng ECP System, nabibigyan ng pagkakataon ang mga kwalipikadong guro na umangat sa mas mataas na posisyon batay sa kanilang mga kwalipikasyon, kakayahan, kasanayan, at propesyonal na pagganap.
Habang layunin ng pagkuha sa mga School Counselor Associates na palakasin at palawakin ang serbisyong paggabay at suporta sa mga mag-aaral, partikular sa kanilang akademiko, personal, at panlipunang pag-unlad.
Sa kabuuan, sumasalamin ang mga promosyon at bagong pagtatalaga sa patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na kilalanin ang propesyonal na paglago ng mga kawani ng edukasyon at palakasin ang puwersang pantao na nangangalaga sa paghahatid ng de-kalidad na batayang edukasyon sa bansa.