Mas maraming oras para sa pagtuturo at paghahanda ng mga aralin ang nais matiyak ng pamahalaan para sa mga guro sa pamamagitan ng pagbabawas ng kanilang mga gawaing administratibo.
Sa talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa naganap na mass oath-taking ceremony sa Dagupan City, Pangasinan, ibinahaging binawasan na ng Department of Education (DepEd) ang mga dokumentong kailangang asikasuhin ng mga guro mula 174 tungo sa 75 forms, kung saan lima na lamang ang kailangang regular na kumpletuhin.
Sa pamamagitan aniya nito, mababawasan ang oras na inilalaan ng mga guro sa mga papeles at mas makapagtutuon sila ng pansin sa pagtuturo at paggabay sa mga mag-aaral.
Kasabay nito, pinalalawak din ng pamahalaan ang mga programa para sa propesyonal na pag-unlad ng mga guro.
Sa datos na ibinahagi ng Pangulo, mula 2022 hanggang 2025, mahigit 607,574 na guro ang nakilahok sa iba’t ibang pagsasanay at professional development programs.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na kailangang samahan ng mga konkretong hakbang ang pagkilala sa sakripisyo at kontribusyon ng mga guro sa bansa.