Isinusulong ni Mamamayang Liberal Partylist Representative Leila de Lima ang pagpapatibay ng Magna Carta for Commuters upang matiyak ang karapatan, kaligtasan at dignidad ng mga gumagamit ng pampublikong transportasyon.
Sa ilalim ng House Bill 11765, magkaroon ng komprehensibong Bill of Rights para sa mga commuter at tugunan ang mga problema sa pampublikong transportasyon gaya ng siksikan, mahabang paghihintay, hindi maaasahang serbisyo at mataas na pamasahe.
Magtatatag din ng National at Local Offices of Commuter Affairs na mangangalaga sa kapakanan ng mga pasahero at tututok sa mga reklamo at pananagutan ng mga transport service provider.
Kabilang din sa mga probisyon ang pagbibigay ng kompensasyon sa mga commuter kapag may aberya sa serbisyo, pagpapalakas ng road safety at pagkakaroon ng pasilidad para sa persons with disabilities.
Ayon kay De Lima, hindi lamang basta pagdadala ng mga pasahero sa kanilang destinasyon ang transportasyon, kundi dapat ding matiyak ang ligtas, maayos at makataong paglalakbay. | ulat ni Kathleen Forbes