Isinusulong ni Senador Erwin Tulfo ang panukalang batas na magbibigay ng proteksyon sa mga manggagawang posibleng mawalan ng trabaho dahil sa paggamit ng Artificial Intelligence (AI) sa operasyon ng mga kumpanya.
Sa inihain niyang ng Senate Bill 2563, idadagdag sa probisyon ng Labor Code of the Philippines na magtakda ng mga kondisyon bago maaaring tanggalin ang isang empleyado dahil sa pagpapakilala o paggamit ng AI technologies.
Kabilang sa mga kondisyon ang pagkakaroon ng lehitimo at tapat na layunin sa paggamit ng AI, gaya ng pagtitipid sa gastos at pagpapahusay ng kahusayan ng operasyon.
Kailangan din aniyang mapatunayan na wala nang ibang opsyon ang employer at may patas na pamantayan sa pagpili ng mga empleyadong tatanggalin.
Minamandato din ng panukala ang mga employer na bigyan muna ng pagkakataon ang kanilang mga kasalukuyang empleyado na sumailalim sa reskilling o pagsasanay para magkaroon ng bagong kakayahan bago magdesisyon sa pagtanggal sa kanila.
Kung hindi na maiiwasan ang termination, makatatanggap dapat ang manggagawa ng separation pay na katumbas ng hindi bababa sa dalawang buwang sahod o dalawang buwang sahod kada taon ng serbisyo, alinman ang mas mataas.
Dapat ding abisuhan muna ng mga employer ang Department of Labor and Employment (DOLE) nang hindi bababa sa anim na buwan bago ang planong pagtanggal sa mga empleyado.