Kinakailangan pa ring personal na magtungo sa mga registration site ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga kuwalipikadong botante upang makapagparehistro para sa 2028 elections.
Ayon kay COMELEC Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, wala pang online registration na ipatutupad sa voter registration period na magsisimula ngayong November 10 hanggang July 30, 2027.
Paliwanag ni Laudiangco, kailangang personal na magsumite ng application form, magpa-capture ng biometrics, at sumailalim sa interview ang bawat aplikante.
Alinsunod ito sa Republic Act 8189 o Voter’s Registration Act of 1996 at Mandatory Biometrics Act.
Bukas ang pagpaparehistro tuwing Martes hanggang Sabado, habang walang tatanggapin tuwing Linggo, Lunes at holidays dahil sa work-from-home arrangement kaugnay ng deklarasyon ng State of National Energy Emergency.
Target ng COMELEC na makapagtala ng tatlong milyong bagong botante, na inaasahang magtutulak sa kabuuang bilang ng mga rehistradong botante sa bansa sa 74 milyon pagsapit ng 2028 elections.