Tuloy lang ang pagtatrabaho at pagpupursigi ng Philippine National Oil Company (PNOC) upang mapabilis ang pagsasakatuparan ng Strategic Petroleum Reserve (SPR) ng Pilipinas.
Ayon kay Department of Energy (DOE) Undersecretary Alessandro Sales nananatiling on-track ang PNOC sa pagtatayo ng Strategic Petroleum Reserve sa site nito sa Bataan kung saan target na mabuo ang anim na tangke ng langis na bubuo sa SPR.
Sa ngayon, nakatuon na ang PNOC na maitayo at maiimbak ang unang 180,000 bariles ng langis bago matapos ang taong 2027.
Inihayag din ng DOE na nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga higanteng kumpanya sa enerhiya tulad ng Saudi Aramco at ADNOC, upang pag-aralan ang pagtatayo ng mga pasilidad para sa strategic petroleum reserve dito sa Pilipinas, gayundin ang posibleng pagsali sa mga global ticketing system para sa reserba.
Binigyang-diin ni Sales, na bagamat “isang mahabang proseso” ang pagbuo ng komprehensibong reserba, kailangan itong simulan agad katuwang ang PNOC at iba pang mga hakbangin tulad ng pag-diversify ng mga pinagkukunan ng krudo.
Sa pamamagitan ng Strategic Petroleum Reserve, inaasahang mababawasan ang pagiging bulnerable ng Pilipinas sa mga geopolitical tension at pag akyat-baba ng presyo sa krudo sa buong mundo, habang tinitiyak ang tuloy-tuloy na takbo ng ekonomiya at transportasyon ng bansa.