Hinimok ng Philippine National Police (PNP) ang mga motorista na sumunod sa mga alituntunin sa trapiko at makipagtulungan sa mga awtoridad habang ginaganap ang 2026 ASEAN Summit.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan ng publiko at maayos na daloy ng trapiko.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., tutulong ang PNP Highway Patrol Group sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagpapatupad ng mga batas trapiko at sa pag-alalay sa mga motoristang maaapektuhan ng pagsisikip ng daloy ng sasakyan.
Pinayuhan din ng PNP ang publiko na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe, bantayan ang lagay ng trapiko, at maging handa sa posibleng rerouting.
Humingi rin ng pasensya at pang-unawa sa publiko ang PNP habang ipinatutupad ang mga kinakailangang hakbang, para maging matagumpay ang pagho-host ng bansa sa summit.
Samantala, sinabi ng MMDA na magpapatupad ng security exclusion zone sa paligid ng Philippine International Convention Center, at stop-and-go scheme sa mga itinalagang ruta mula November 15 hanggang 18.