Sumuko sa Philippine National Police (PNP) ang isang dating mambabatas na ipinaaaresto ng Sandiganbayan dahil sa apat na bilang ng mga kasong Graft at Malversation.
Sa pahayag ng PNP Public Information Office kagabi, kinilala lamang ang dating mambabatas sa alyas na “BOSS” na sumuko sa Lebak Municipal Police Station sa pakikipag-ugnayan sa Sultan Kudarat Police Provincial Office at General Santo City Police Office.
Ayon sa PNP, ipinaalam sa dating mambabatas ang mga kasong kinakaharap nito, ang dahilan ng pagkakaloob ng mga Warrant of Arrest, at ang kanyang mga karapatan.
Binigyang-diin naman ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na tungkulin ng mga pulis na ipatupad ang mga kautusan ng korte anuman ang pagkakakilanlan o dating posisyon ng isang indibidwal.
Nabatid na ang sumuko ay si dating Sultan Kudarat Representative Arnulfo Go na isa sa mga kapwa-akusado ng tinagurang “Congtractors” sa pagkopo ng ₱214 milyong proyekto sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sinasabing konektado itong si Go sa Allencon Construction Firm na isa sa mga kumpaniyang lumutang sa flood control scandal.
Dagdag pa ng PNP Chief, mahalagang maisagawa ng mga pulis ang kanilang tungkulin nang patas, propesyonal, at may buong paggalang sa karapatan ng bawat isa.
