Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara na ang pagpapatupad ng Expanded Career Progression (ECP) System ay isa sa pinakamahalagang pamana ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa sektor ng edukasyon sa bansa.
Ipinahayag ito ni Angara sa mass oathtaking ng mahigit 5,000 bagong promote na guro at bagong hire na school counselors associates sa Lungsod ng Dagupan, nitong Lunes.
Inihayag ni Angara na sa pamamagitan ng ECP system, umabot sa 80,000 guro ang nabigyan ng promosyon ngayong taon.
Mas marami pang guro ang makikinabang dahil nasa 132,000 guro naman ang nakatakdang i-promote sa ilalim ng sistema sa susunod na taon.
Layunin ng ECP na tanggalin ang sistema kung saan ang mga pampublikong guro ay nagretiro na sa parehong posisyon o ranggo simula sa kanilang pagpasok dahil sa kakulangan ng available na mataas na posisyon.
Sa ilalim ng ECP, nabibigyan sila ng malinaw na landas para sa propesyunal na pag-unlad at karagdagang sahod nang hindi na kailangang umalis sa pagtuturo sa silid-aralan.
Patuloy na pinapalawig ng Department of Education (DepEd) ang programang ito upang masiguro na masusuklian ang dedikasyon at sakripisyo ng mga gurong Pilipino sa buong bansa.