Matagumpay na naabot na ng National Electrification Administration (NEA) ang 17 milyong consumer connection sa bansa.
Bahagi ito ng patuloy na pagpapatupad ng Rural Electrification Program ng pamahalaan na layong mapalawak ang access sa kuryente, partikular sa mga liblib na mga komunidad.
Kinilala ang ika-17 milyong benepisyaryo na si Pacita Balucan Bangga, 74-anyos na biyuda at residente ng Purok Bitoon, Barangay Selinog, Dapitan City, Zamboanga del Norte.
Sa pamamagitan ng Photovoltaic Mainstreaming Program ng NEA, nagkaroon na ng access sa kuryente si Bangga, kasama ang 197 iba pang kabahayan sa Selinog Island.
Bago ito, umaasa lamang ang mga residente sa mga lamparang de-gaas at limitadong suplay ng kuryenteng mula sa diesel generator para sa kanilang ilaw.
Pinangunahan nina NEA Administrator Antonio Mariano Almeda at Zamboanga del Norte Electric Cooperative o ZANECO General Manager Atty. Jordanne Chan-Antonio ang seremonya ng pagpapailaw nitong Lunes, November 9, 2026.
Sa kanyang mensahe, tiniyak ni Almeda ang patuloy na pagsisikap ng ahensya na mapalawak ang access sa kuryente, partikular sa mga komunidad na hindi naaabot ng conventional power grid.