Binigyan diin ni House Appropriation vice Chair at Bataan 2nd District Representative Albert “Abet” Garcia na base sa kahilingan ng mga barangay, munisipyo, at lalawigan ang kanilang budget allocation.
Mariing itinanggi din ni Garcia ang mga paratang na napulitika ang ipinasang budget ng Kamara.
Iginiit ng Bataan solon na ang mga pondong inilaan para sa iba’t ibang proyekto ay nakabase sa tunay na pangangailangan ng mga mamamayan at hindi para sa kapakanang pampulitika.
Itinanggi rin ni Garcia ang mga puna ukol sa paglalaan ng pondo sa imprastraktura sa ilang congressional districts.
Aniya, dapat suriin ang mga ito batay sa aktuwal na pangangailangan ng proyekto at hindi sa impluwensyang pampulitika.
Pinasinungalingan din ng mambabatas ang mga alegasyon ng “pork barrel”.
Sa katunayan aniya, nagpatupad ang kapulungan ng mga reporma kaya bumaba sa dating alokasyon ng mga distrito kumpara sa mga nakaraang taon.