Nanindigan si Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima na hindi dapat pigilan ang paglalahad ng impormasyon at pagsusulong ng transparency kaugnay ng mga ginagawa ng China laban sa Pilipinas sa West Philippine Sea.
Nababahala kasi ang mambabatas sa pinakahuling pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tila kumukuwestiyon sa mga pahayag ng ilang opisyal ng pamahalaan tungkol sa China at West Philippine Sea.
Ayon kay De Lima, hindi lamang DFA ang may karapatang magsalita tungkol sa isyu dahil mahalagang maipabatid sa publiko at sa international community ang mga aktuwal na nangyayari sa karagatan.
“DFA’s most recent statement, which appeared to openly and publicly question the pronouncements of some Philippine government officials on China and the WPS, is concerning. It seems that what the DFA is saying is to leave the talking solely to them on the issue, and for everybody else to defer to their position,” ani De Lima.
Giit niya, dapat magpatuloy ang pagpapalabas ng mga pahayag at ulat ng Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines at iba pang opisyal upang labanan ang maling impormasyon at mga pag-aangkin ng China.
Dagdag pa ni De Lima, sa halip na magkawatak-watak, dapat panatilihin ng bansa ang pagkakaisa sa pagtatanggol sa teritoryo at huwag magpaubaya sa kagustuhan ng China.
“The WPS and China are not DFA’s exclusive concern. This issue matters to all our leaders and to every Filipino. We must all speak up for our country and our countrymen, especially those who are being harassed and deprived of their livelihoods in our territories,” dagdag pa niya.