Iginiit ni Department of Energy (DOE) Undersecretary Alessandro Sales na dapat ay isang bagsak o sabay-sabay na ipatupad ng mga kumpanya ng langis ang malaking bawas-presyo o big-time rollback sa mga produktong petrolyo.
Ayon kay Sales, makatarungan at wasto ang naging komputasyon ng DOE sa price adjustment para sa linggong ito.
Ito ay sa gitna ng mga puna at argumento ng ilang oil firms na umano’y malayo ang kwenta ng ahensya sa kanilang sariling kalkulasyon.
Binigyang-diin ng opisyal, na walang dahilan para i-stagger o unti-unting ipatupad ang bawas-presyo upang agad na maramdaman ng mga motorista at publiko ang ginhawa sa gitna ng paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Oras na makakita ng paglabag ang DOE sa pamamagitan ng kanilang inspeksiyon o kung mayroon mang magsumbong sa kanila ay agad itong padadalhan ng show cause order upang pagpaliwanagin.