Hinimok ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan ang Kongreso na pabilisin ang pagpasa ng mga panukalang batas na magbibigay ng tax relief sa mga manggagawa at maliliit na negosyo sa gitna ng pagtaas ng inflation sa 7.8% noong Oktubre.
Kabilang dito ang panukalang itaas mula ₱250,000 sa ₱450,000 ang annual income tax exemption ng mga indibidwal at tuluyang alisin ang 2% Minimum Corporate Income Tax (MCIT) para sa micro at small enterprises.
Ayon kay Yamsuan, makatutulong ang mga panukala upang maibsan ang gastusin ng mga pamilyang Pilipino at mapagaan ang pasanin ng maliliit na negosyo dulot ng paghina ng piso at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Inaprubahan na ng House Committee on Ways and Means ang mga panukalang alisin ang MCIT, gayundin ang panukalang itaas sa ₱350,000 ang income tax exemption.
Giit ni Yamsuan, dapat pag-aralan kung sapat na ang ₱350,000 na exemption upang matulungan ang mga low- at middle-income families na makayanan ang patuloy na pagtaas ng presyo.