Nakatakdang bumisita sa Pilipinas si Brazilian President Luiz Inácio Lula da Silva para sa isang State Visit kasunod na din ng una nang naging imbitasyon dito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
November 14 hanggang 15 ang State Visit ni President Da Silva na sinasabing kauna-unahang pagkakataon na bibisita sa bansa ang isang nakaupong Pangulo ng Brazil.
Layunin ng pagbisita ng Brazilian leader ang higit pang palakasin ang bilateral relations o ugnayang diplomatiko ng Pilipinas at ng Brazil, gayundin ang pagpapalawak ng kooperasyon sa kalakalan at pamumuhunan.
Kabilang din sa inaasahang pagtutuunan ng pansin ng dalawang lider sa kanilang pagkikita sa Malacañang sa susunod na linggo ay ang pagtutulungan sa larangan ng agrikultura, enerhiya, agham, at teknolohiya gayundin ang ukol sa depensa.
Bukod sa State Visit, inaasahang didiretso na din ang Brazilian President sa partisipasyon nito sa Plenary Session ng ika-49 na ASEAN Summit bilang Guest of the Chair, sa paanyaya ng Pilipinas bilang tagapangulo ng regional bloc.