Hinikayat ni Marikina 2nd District Representative Miro Quimbo ang kaniyang mga nasasakupan na bantayan ang pagpapatupad ng mahigit ₱742 milyong infrastructure projects na nakapaloob sa panukalang 2027 national budget.
Ayon kay Quimbo, mahalagang malaman ng publiko kung saan nakalaan ang pondo upang matiyak na maayos ang implementasyon ng mga proyekto at maiwasan ang mga substandard at ghost projects.
Kabilang sa mga pangunahing proyekto ang ₱32.4 milyong konstruksiyon ng Bayabas Pumping Station sa Barangay Nangka at ₱215 milyong improvement projects sa Tumana Creek.
Mayroon ding ₱45 milyong rehabilitation ng Champaca 1 Creek, ₱22 milyong para sa Park 23 Creek at mahigit ₱44.8 milyong para sa Balanti Creek.
Inilathala ni Quimbo ang listahan ng mga proyekto kasama ang kanilang budget allocation at page number sa House General Appropriations Bill, upang masuri ito ng mga residente.
Giit ng mambabatas, karapatan ng mga mamamayan na malaman kung saan napupunta ang kanilang buwis at sama-samang tiyaking tama ang pagkakagawa ng mga proyekto.
“We do this because it is our duty and because our constituents deserve to know where their taxes go. Samahan ninyo ako sa pagbantay sa mga proyektong ito. Siguraduhin nating tama ang pagkakagawa at walang ghost projects dito sa ating Distrito,” giit ni Quimbo.