Inihayag ni Impeachment Adviser at Spokesperson Ace Barbers na tila “lugi” si Vice President Sara Duterte sa ibinabayad nito sa kanyang mga abogado sa nagpapatuloy na impeachment trial.
Ginawa ni Barbers ang pahayag matapos sumalang ang kauna-unahang testigo ng depensa na si Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin.
Ayon kay Barbers, sayang lamang ang ibinayad ng Bise Presidente sa mga abogado nito dahil umiwas lamang si Adalin sa cross-examination ng prosekusyon at tuluyang nabigong pabulaanan ang mga alegasyon laban sa Ikalawang Pangulo.
Inilarawan pa niya ang testimonya bilang incredible o hindi kapani-paniwala dahil hindi nito direktang nasagot ang mga tanong ni Private Prosecutor Atty. Jay Tolosa.
Iniharap si Adalin ng Depensa upang patunayang naideklara sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni VP Sara ang isang 379-square-meter na ari-arian sa Juna Subdivision, Matina Crossing, Davao City, na nakapangalan sa asawa nitong si Atty. Manases Carpio.
Subalit, kinuwestiyon ng Prosekusyon kung bakit ₱6-na milyon ang nakasaad na halaga ng pagkuha (acquisition cost) sa Deed of Sale ng ari-arian, habang ₱10 milyon naman ang idineklara sa SALN ng Bise Presidente.
Hindi maipaliwanag ni Adalin ang ₱4-na milyong pagkakaiba sa pagitan ng dalawang dokumento.
Bukod dito, nabigo rin siyang kumpirmahin kung ang mga litrato ng isang komersyal na establisimyento ay tumutukoy sa mismong ari-ariang pinag-uusapan.