Arestado ang anim na suspek sa panghoholdap sa isang kilalang convenience store sa Gapan City, Nueva Ecija.
Ayon kay Police Regional Office 3 Director Police Brigadier General Jess Mendez, pinasok ng mga suspek ang convenience store kagabi, November 10, at tinutukan ng baril ang cashier para makuha ang pera sa kaha.
Matapos na makuha ang pera, itinali pa umano ng mga suspek ang dalawang empleyado gamit ang cable tie, tinangay ang kanilang mga cellphone at saka tumakas.
Nagawang makawala ng mga biktima at agad humingi ng tulong sa pulisya. Agad namang nagpakalat ng mga tracker team ang mga awtoridad para tugisin ang mga suspek.
Hinabol ng mga pulis ang van na sinasakyan ng mga suspek mula Gapan, paikot sa ilang bayan ng Nueva Ecija hanggang Angeles City. Sa boundary ng Sto. Tomas at Alaminos na sila tuluyang naaresto.
Sinabi ni Mendez na 19 hanggang 22 taong gulang ang mga suspek na umaming sangkot umano sa iba pang panghoholdap sa Rizal, partikular sa San Mateo at Rodriguez.
Nakumpiska sa mga suspek ang apat na baril, apat na granada, at ₱35,000 na pera. Sa ngayon, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad kung may iba pang kasamahan ang mga naarestong suspek.