Naghahanda na ang Bases Conversion and Development Authority o BCDA ng development plan para matiyak ang suplay ng kuryente sakaling matuloy ang PAX Silica initiative at pagtatayo ng Economic Security Zone sa Luzon.
Sa briefing sa Kamara, sinabi ni BCDA President and Chief Executive Officer Engr. Joshua Bingcang na nais nilang magkaroon ng embedded power system o sariling pinagkukunan ng kuryente sa loob mismo ng economic security zone upang mapababa ang gastos sa enerhiya.
Aniya, kabilang sa mga pinag-aaralang mapagkukunan ng kuryente ang solar power, liquefied natural gas o LNG, at waste-to-energy technology.
Ibinahagi rin ni Bingcang na nakikipag-usap na ang BCDA sa isang kumpanya mula Saudi Arabia para sa posibleng paglalagay ng 500-megawatt solar power facility.
Pinag-aaralan din ang paggamit ng solid waste bilang alternatibong pinagkukunan ng enerhiya, na makatutulong din sa pagtugon sa problema sa pamamahala ng basura.