Nagkasa na rin ng kanilang mga hakbang ang Commission on Higher Education (CHED) upang protektahan din ang kapakanan ng mga estudyante sa mga unibersidad, kolehiyo at Higher Education Institutions o HEIs patungkol sa inaasahang epekto ng El Niño.
Sa panayam ng programang Boses kay CHED Commissioner, Dr. Ricmar Aquino, sinabi niyang may inaprubahan nang advisory ang Commission en banc upang maging gabay ng State Universities and Colleges (SUCs) at Private Higher Education Institutions kontra sa epekto ng El Niño at sa matinding init na dala nito.
Ika-categorize sa iba’t ibang lebel ang magiging pagtugon ng mga unibersidad, kolehiyo at HEIs kung maramdaman na ang epekto ng El Niño.
Sa level 1 ay mananatili pa rin ang normal na operasyon ng higher education institutions at kailangan na ring magsagawa ng mga conservation measure sa tubig at kuryente.
Pagdating ng level 2 ay isasagawa na ang modified operations kung saan mataas na ang heat index at may extreme caution level tulad ng intermittent water supply, at ang tugon naman dito ay rescheduling ng mga outdoor activity at ang pagpapaikli ng in-person classes.
Pagdating ng level 3 kung saan nasa danger level na ang heat index ay ipatutupad na ang flexible learning modality sa mga unibersidad, kolehiyo at HEI’s.
Pag sumapit na ang level 4 o ang pinakamataas na category ay suspendido na ang lahat ng in-person classes dahil nasa pinakamataas na lebel na rin ang heat index, na delikado na sa kalusugan ng mga estudyante at mga empleyado ng mga unibersidad, kolehiyo at at HEI’s.