Isinulong ng Pilipinas ang pagkuha ng development financing na hindi lamang magtataguyod ng paglago ng ekonomiya, kung hindi nagbibigay rin ng proteksyon sa vulnerable families.
Sa ginanap na International Development Association (IDA) Day sa Bangkok, Thailand, ipinanawagan ng Department of Finance (DOF) sa pamamagitan ni DOF Officer in Charge Assistant Secretary Carlyn Diaz, ang mas makatarungang financing terms mula sa mga development partner.
Hinimok ng delegasyon ng Pilipinas ang mga global institusyon na isaalang-alang ang mga banta ng sakuna, pagbabago ng klima (climate risks), at structural risks — at hindi lamang ang antas ng kita (income levels) ng isang bansa — sa pagtatakda ng pautang at pinansyal na tulong.
Makatutulong ito sa mga bansang umaangat ang status ng kita upang mapanatili ang mga mahahalagang serbisyo publiko, pagsasanay sa mga manggagawa, at pamumuhunan sa malinis na enerhiya (clean energy).
Bukod dito, sinuportahan din ng Pilipinas ang mas matibay na suporta para sa kasiguruhan sa tubig (water security), climate adaptation, at kapakanan ng mga kabataan, kasabay ng mabilis na pagpapatupad ng mga proyekto upang mabilis na maramdaman ng mga komunidad ang pakinabang nito.
Nakatakda namang idaos ang IDA21 Mid-Term Review sa December 5 hanggang 9, 2026 sa Tashkent, Uzbekistan, kung saan ilalahad ang mga napagkasunduan sa ilalim ng IDA21.