Nagsasagawa na ng parallel administrative investigation ang Philippine Navy para alamin kung may nilabag na patakaran ng militar ang reservist nitong si Petty Officer Second Class Kristine Ann Lim, matapos itong maaresto.
Ayon kay Philippine Navy spokesperson Captain Marissa Arlene Martinez, alam na nila ang insidente at nakikipag-ugnayan na sila sa pulisya para alamin ang buong detalye.
Bago pa man ang insidente, pormal nang sinita si Lim at hindi na pinasasali sa Active Duty Training dahil sa mga kinakaharap niyang kaso sa labas ng Navy.
Kapag may napatunayang paglabag sa military rules and regulations, maaari siyang patawan ng kaukulang administrative action, kabilang ang posibleng pagkatanggal sa Reserve Force.
Iginiit naman ng Navy na pare-pareho ang inaasahang disiplina at pananagutan sa lahat ng tauhan nito, regular man o reservist. | ulat ni Diane Lear