Umapela si Kamanggagawa Partylist sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na repasuhin ang mga polisiya ng ride-hailing platforms upang matiyak ang patas na kita at maprotektahan ang kabuhayan ng transport network vehicle service (TNVS) drivers.
Sa kaniyang privilege speech, kinuwestiyon ng mambabatas ang 28 porsiyentong komisyong ipinapataw ng transport network companies o TNCs sa mga driver ng Transport Network Vehicle Service o TNVS.
Aniya, batay sa mga reklamo ng TNVS Community Philippines, umaabot sa 20 hanggang 28 porsiyento ang komisyong kinakaltas ng mga ride-hailing platform.
Ibig sabihin, 72 pesos na lamang sa bawat 100 pesos na pamasahe ang naiiwan sa mga drayber bago pa ibawas ang gastos sa gasolina, maintenance at iba pang operasyon.
Dahil dito, hinimok ni San Fernando ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na imbestigahan kung makatwiran ang nasabing komisyon batay sa serbisyong ibinibigay ng mga platform.
Hiniling din niyang repasuhin ang mga polisiya sa incentives at promotional discounts upang matiyak na hindi nalulugi ang mga drayber sa bawat booking.
Dapat din aniya magkaroon ng due process sa pagsususpinde o pagde-deactivate ng mga driver account, kabilang ang pagbibigay ng malinaw na dahilan at pagkakataong umapela. Iginiit ni San Fernando na dapat tiyakin ng LTFRB ang patas na kita ng mga TNVS driver dahil hindi maaaring basta na lamang mawalan ng kabuhayan ang mga ito sa isang pindot sa sistema.