Matagumpay na naisagawa ng Philippine National Police Press Corps (PNPPC) sa Kampo Crame ang kauna-unahang Medical Mission nito ngayong araw.
Aabot sa 50 miyembro ng PNP Press Corps at kanilang pamilya ang nakinabang sa inisyatibang ito kung saan, nakatanggap sila ng libreng serbisyong medical.
Bahagi ito ng adbokasiya ng samahan na isulong ang pangangalaga sa kalusugan at kagalingan ng mga mamamahayag na bantad sa iba’t ibang panganib habang tinutupad ang tungkulin.
Ayon kay PNP Press Corps President at UNTV Reporter Lea Ylagan, higit sa paghahatid ng mga balita, mahalaga ring pangalagaan ang kapakanan ng mga tagapaghatid nito.
Katuwang ang mga doktor mula sa Philippine National Police General Hospital (PNPGH) gayundin ng Hi-Precision Diagnostics Medical Services, naging posible ang maayos at mabilis na paghahatid ng serbisyo sa mga benepisyaryo.