Pinaigting ng Philippine Ports Authority (PPA) ang pagbabantay sa mga pantalan matapos makumpiska ang hinihinalang ilegal na droga at iba pang ipinagbabawal na gamit sa magkakahiwalay na operasyon.
Ayon sa PPA, kabilang dito ang nasa 12 kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱81.6 na milyon sa Batangas Port noong Oktubre 7. Apat na indibidwal ang naaresto sa operasyong pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Sa pinakahuling insidente noong November 8, isang lalaking pasahero ang naaresto sa Matnog Port matapos makuhanan ng vape cartridge na may hinihinalang liquid marijuana. Isasailalim pa sa laboratory examination ang laman nito.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, mas nakaalerto ang mga tauhan dahil sa pagdami ng mga pasahero ngayong holiday season.
Kabilang sa mga hakbang ang baggage X-ray screening, pisikal na inspeksyon, CCTV monitoring at paggamit ng K9 units.
Nanawagan din ang PPA sa mga pasahero na sumunod sa security protocols at agad i-report ang kahina-hinalang aktibidad.