Naniniwala ang House prosecution panel na labis o marangyang paggastos ng asawa ni Bise Presidente Sara Duterte na si Atty. Mans Carpio. — na tahasang lumalabag sa mandatong Konstitusyonal na nag-uutos sa mga lingkod-bayan na mamuhay nang payak at simple.
Sa nagpatuloy na cross-examination sa testigong si Chadrin Parian mula sa panig ng depensa, pinakita ni Private Prosecutor Atty. Reynaldo Robles ang naging pagbili ni Atty. Carpio—asawa ng Bise Presidente—ng nagkakahalaga ng P256,000 na mga sapatos sa isang biyahe sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sa kanyang testimonya, ibinahagi ni Parian na ang kanyang anak ay kabilang sa 11 batang lalaki na kumatawan sa bansa para sa isang torneo ng basketball sa Malaysia.
Aniya, si Carpio, na tumayong manager ng koponan, ay kasama rin sa mga magulang na nagtungo sa naturang bansa.
Batay sa pagsusuri ni Atty. Robles sa mga litratong isinumite ni Parian, lumabas na aabot sa 24 pares ng sapatos ang binili ni Carpio.
Nang tanungin kung bakit mas marami ang biniling sapatos kaysa sa 11 bata, kumpirma ni Parian na ang iba rito ay para sa mga magulang at tagapag-alaga na sumama sa delegasyon.
Dito na iginiit ni Atty. Robles ang Seksiyon 1 ng Artikulo XI ng Konstitusyon, na nag-uutos sa mga pampublikong opisyal at empleyado na mamuhay nang may katapatan at kasimplehan. Binanggit din niya ang Seksiyon 4(h) ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (Republic Act No. 6713), na nagtatakdang ang mga opisyal ng pamahalaan at kanilang pamilya ay dapat mamuhay nang payak na naaangkop sa kanilang posisyon at kita, at iwasan ang marangyang pagpapakita ng yaman (ostentatious display of wealth). | ulat ni Melany Reyes