Nakataas na ang BLUE ALERT status sa National Disaster Risk Reduction and Management Operations Center simula ngayong araw bilang paghahanda sa ika-49 na ASEAN Leader’s Summit na gagawin sa susunod na linggo.
Nilagdaan ni Office of Civil Defense (OCD) Deputy Administrator for Operations Assistant Secretary Laurence Mina ang isang memorandum na layuning tutukan ang mga posibleng banta sa panahon ng pagpupulong na dadaluhan ng mga pinuno ng ASEAN member countries.
Kaugnay nito, inatasan din ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) na magduty sa NDRRMC Operations Center.
Pinagana na rin ang Virtual Emergency Operations Center para sa mabilis na pakikipag-ugnayan at pagtugon sa panahon na lubhang kinakailangan.
Kaugnay nito, personal na ininspeksyon ni OCD Administrator, Undersecretary Harold Cabreros ang mga contingent na ipinakalat sa paligid ng Cultural Center of the Philippines (CCP) Complex kung saan idaraos ang malakihang pagpupulong ng mga bansang kasapi ng ASEAN.

