Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang aktwal na kalagayan at pangangailangan ng indibidwal ang pangunahing batayan sa pagtatasa ng mga aplikasyon para sa programang Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS, sa halip na mga referral letter mula sa mga politiko o iba pang indibidwal.
Ayon kay DSWD Crisis Intervention Program Director Edwin Morata, bagama’t tumatanggap sila ng mga referral letter mula sa mga gustong tumulong, hindi ito sapilitang kinakailangan o magiging garantiya para sa mas mabilis na proseso o mas malaking halaga ng tulong.
Binigyang-diin din ng opisyal na sa ilalim ng mga dokumentong kinakailangan, isang balidong government-issued ID lamang ang hinahanap sa mga kliyente at hindi na nire-require ang certificate of indigency.
Aniya, ang antas ng kahirapan ay kaya nang matukoy mismo ng social worker na kumakausap sa kliyente.
Hinihimok din ang publiko na gumamit ng National ID dahil tinatanggap na ito ng ahensya.
Samantala, patuloy ding iniimbestigahan ng DSWD ang kumakalat na insidente online tungkol sa isang nakatatandang humihingi ng tulong upang matunton ang naturang kliyente.
Ang tanggapan ng CIP ay matatagpuan sa Paragon Place, Ever Gotesco Commonwealth sa Quezon City, at bukas mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.