Posibleng iniwasan ng depensa ni Vice President Sara Duterte ang mas malalim na pagtalakay sa umano’y dollar accounts ng Bise Presidente kaya hindi na nito itinuloy ang pagpapatawag sa opisyal ng Bank of the Philippine Islands (BPI) bilang testigo.
Ayon kay House prosecutor Joel Chua, maaaring magbukas ng mas maraming katanungan ang pagharap ng BPI official, lalo na tungkol sa mga dollar account.
Dagdag pa ni prosecution spokesperson Zia Alonto Adiong, maaaring lumawak pa ang usapin ng unexplained wealth kung mapatutunayang mayroon pang dollar accounts ang Bise Presidente at maaaring hindi handa ang depensa dito.
Nilinaw naman ni private prosecutor at prosecution legal spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr., na hindi nila kontrolado ang pagpili ng mga testigo ng depensa ngunit nakahanda silang i-cross-examine ang lahat ng ihaharap ng mga ito.
Gayunman, nanghihinayang aniya sila na hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong tanungin ang naturang BPI official.