Hiniling ng House prosecution panel sa kampo ni Vice President Sara Duterte na ipaliwanag ang umano’y P319 milyong remittances mula China na natanggap ng Cale88 Foods Corporation.
Ayon kay lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro, nais nilang malaman kung ano ang pinagmulan at layunin ng naturang halaga na ipinadala mula China sa kumpanya.
Sinabi ni Luistro na umaasa silang makapaghaharap ang depensa ng mga testigong makapagpapaliwanag sa nasabing transaksiyon bilang bahagi ng kanilang pagtugon sa alegasyon ng unexplained wealth laban sa bise presidente.
Dagdag pa ni Luistro hindi pa rin naipapaliwanag ng depensa ang umano’y P817.87 milyong unexplained wealth ng bise presidente, matapos na mas maliit na halaga lamang ang natalakay sa mga testimonya ng mga testigo ng depensa sa impeachment trial.
Kabilang sa mga natalakay ang mga ari-ariang nagkakahalaga ng P10 milyon sa Davao at P4 milyon sa Samal, gayundin ang salary differential at mga credit card transaction na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P250,000. | ulat ni Kathleen Forbes