Pinaalalahanan ni Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero ang mga senator-judges at mga abogado ng magkabilang panig na igalang ang mga karapatan ng mga testigo at panatilihin ang patas at maayos na paglilitis.
Sa kanyang pahayag bago magsimula ang Day 43 ng impeachment trial nitong Huwebes, binigyang-diin ni Escudero ang mga karapatan ng mga testigo sa ilalim ng Section 3, Rule 132 ng Rules on Evidence, kabilang ang proteksiyon laban sa mga walang kaugnayan, hindi angkop o mapanlait na tanong at asal.
Ayon kay Escudero, bagama’t obligadong sumagot nang tapat ang mga testigo, may karapatan din silang hindi sagutin ang mga tanong na maaaring maglantad sa kanila sa parusa para sa isang paglabag, alinsunod sa itinakda ng batas.
Binigyang-diin din ni Escudero na hindi otomatikong maituturing na Contempt ang isang hindi kasiya-siyang sagot.
Hinimok ng Presiding Officer ang mga senator-judges at mga abogado na iwasang gumamit ng paraan ng pagtatanong o mga pahayag na nagdudulot ng takot sa mga testigo sa halip na mahikayat silang magsabi ng totoo.
Aminado si Escudero na maaaring maging nakakadismaya ang paulit-ulit na sagot na “I do not know” o “I do not recall,” pero iginiit niyang dapat manatiling patas, mahinahon at magalang ang lahat sa kabila ng pagkadismaya sa mga ganitong sagot ng testigo.
Binigyang-diin niyang tungkulin ng impeachment court na timbangin ang mga testimonya nang walang kinikilingan, habang pinangangalagaan ang dignidad ng paglilitis, ng mga partido at ng institusyon.