Nilatag ni Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol ang mga posibleng mangyari sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa mga susunod na araw.
Sa pulong-balitaan matapos ang Day 43 ng impeachment trial, sinabi ni Tongol na kung matatapos ang presentasyon ng depensa ng kanilang mga testigo at ebidensya sa susunod na linggo, ay posibleng magkaroon na ng verdict kapag nagbalik ang trial sa Disyembre.
Una nang sinabi ng Depensa na nasa 8-10 witnesses na lang ang ipepresenta nila.
Batay sa schedule ng Impeachment Court, sa November 19 at 20 o Huwebes at Biyernes lang magkakaroon ng trial sa susunod na linggo dahil walang pasok mula Lunes hanggang Miyerkules bunsod ng ASEAN Summit.
Wala na ring magiging trial mula November 23 dahil bibigyang daan naman ang plenary debates ng Senado sa panukalang 2027 budget.
Pinaliwanag ni Tongol na base sa proseso, kapag tuluyan nang sinara ng Depensa ang kanilang presentasyon, may 10 days sila para magsumite ng final offer of evidences at may 10 days rin ang Prosekusyon para magkomento dito.
Kung sakali, papatak na ito sa ikatlong linggo ng Disyembre.
Pero nilinaw ni Tongol na may posibilidad ring humaba pa ang proseso kung hihiling ang Prosecution ng rebuttal matapos ang presentasyon ng Depensa.
Posible rin aniyang magpatawag rin ang mga senator-judges ng mga testigo kung may isyu pa silang nais bigyang linaw.