Sinimulan na ngayong Sabado ang serye ng mga pagpupulong ng ASEAN Ministers bilang paghahanda sa 49th ASEAN Summit.
Kabilang dito ang pagbubukas ng 28th ASEAN Economic Community Council Meeting na pinangunahan ni Trade and Industry Secretary Ma. Cristina Roque ngayong umaga.
Sa pagpupulong, isasapinal ng mga economic ministers ang mga pangunahing economic deliverables na inihanda sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas bilang ASEAN Chair.
Ang mga ito ay ie-endorso sa mga lider ng ASEAN bilang bahagi ng agenda sa 49th ASEAN Summit na magsisimula bukas dito sa Maynila.
Kabilang sa mga prayoridad ang pagsasakatuparan ng ASEAN Digital Economy Framework Agreement o DEFA, na nakatakdang isagawa mamayang hapon.
Itinuturing ang DEFA bilang kauna-unahang region-wide digital economy agreement sa buong mundo na inaasahang magpapabilis sa pag-unlad ng digital economy sa ASEAN.
Sa ilalim nito, inaasahang papalo ang halaga ng digital economy ng rehiyon mula one trillion hanggang two trillion dollars pagsapit ng 2030.
Kapag naipatupad ang DEFA, inaasahang magiging mas madali, mabilis at ligtas ang mga digital na transaksyon at kalakalan sa pagitan ng mga bansa.
Kaya naman, malaking tulong ito para sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) na bumubuo ng 97 percent ng mga negosyo sa ASEAN at lumilikha ng nasa 85 percent ng mga trabaho sa rehiyon.