Ipinagtanggol ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos ang malaking alokasyon para sa kaniyang distrito sa ilalim ng panukalang 2027 General Appropriations Bill.
Ayon kay Marcos, hindi siya papayag na mabawasan ang budget ng Ilocos Norte dahil matagal na aniyang napabayaan ang kanilang lalawigan pagdating sa mga proyekto at tulong mula sa national government.
Sinabi ni Marcos na mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nagbigay-diin na kailangang bumawi ang pamahalaan sa mga nakaraang taon na hindi nabigyan ng sapat na atensyon ang lalawigan.
Binigyang-diin niyang mahalaga ang pondo upang matugunan ang mga pangangailangan ng Ilocos Norte, lalo na ngayong nahaharap ang bansa sa banta ng El Niño at mga epekto ng krisis sa Middle East.
Tugon ito ni Marcos sa mga puna na masyadong malaki ang ₱4.5-bilyong panukalang alokasyon para sa unang distrito ng Ilocos Norte. Giit ng kongresista, maliit na bahagi lamang umano ito ng kabuuang pondong kailangan ng lalawigan upang maisakatuparan ang mga nakaplanong proyekto.