Hinimok ni Senate President Sherwin Gatchalian ang Ateneo de Davao University na palakasin pa ang mga hakbang laban sa bullying, kasunod ng insidente ng pananakit sa isang estudyante ng junior high school sa loob ng paaralan.
Nagpaabot ng pakikisimpatya si Gatchalian sa biktima at pamilya nito at hinimok ang pamunuan ng unibersidad na palawakin ang mga programa para sa mental health support at counseling upang maiwasan ang pag-ulit ng insidente.
Ayon sa Davao City Police Office, nangyari ang insidente noong November 5 at naiulat na sa pulisya.
Sa kumakalat na video sa social media, makikitang sinipa ng isang estudyante ang kapwa nito mag-aaral sa loob ng palikuran, hinampas ng mop at pinalo ng sinturon.
Kinumpirma ng Ateneo de Davao ang insidente at sinabing kumikilos na ito para matiyak ang kaligtasan ng biktima.
Ayon din sa paaralan, sasailalim sa kaukulang disciplinary measures at interventions ang mga mapatutunayang responsable, alinsunod sa due process. Iginiit ni Gatchalian na patuloy nilang isusulong ang mga programa para sugpuin ang karahasan sa mga paaralan at tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.