Photo courtesy of Senate of the Philippines
Naghain si Senadora Loren Legarda ng panukalang amyendahan ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law para mapabilis ang proseso ng pag-apruba ng mga bawas-sentensiya at matugunan ang pagsisikip sa mga piitan sa bansa.
Sa ilalim ng Senate Bill 2584, nais ni Legarda na bigyan din ng kapangyarihan ang mga superintendent ng Bureau of Corrections (BuCor) na mag-apruba ng GCTA para sa mga bilanggo sa kani-kanilang pasilidad.
Sa kasalukuyan, awtorisado ang mga warden ng provincial, district, municipal at city jail na mag-apruba ng GCTA habang nasa kamay ng BuCor Director General ang naturang kapangyarihan para sa mga pasilidad ng ahensya.
Sa panukala, maaaring mag-apruba ang mga superintendent, kabilang ang mga itinalagang acting superintendent, batay sa beripikadong records at nakasulat na rekomendasyon ng Management, Screening and Evaluation Committee ng kanilang pasilidad.
Bibigyan din ng 15 working days ang mga awtoridad para aksyunan ang kumpletong rekomendasyon.
Binigyang-diin ni Legarda na hindi dinaragdagan ng panukala ang GCTA credits, hindi pinalalawak ang mga kuwalipikado rito at hindi inaalis ang iba pang legal na rekisito bago mapalaya ang isang bilanggo. Ayon sa senador, kailangang pabilisin ang proseso nang hindi isinasakripisyo ang mahigpit na pagsusuri at pananagutan sa pagpapatupad ng batas.