Umapela ang Philippine National Police (PNP) sa mga grupong magsasagawa ng protesta na ipahayag ang kanilang mga saloobin sa mapayapa at sa responsableng paraan habang isinasagawa ang ASEAN.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., kilala ang mga Pilipino sa pagiging “hospitable” o magiliw sa mga bisita.
Maaari naman anyang magkilos protesta at hindi magkasundo sa mga bagay pero dapat itong idaan sa mapayapang paraan.
Kasunod nito, hinimok ni Nartatez ang mga organizer na makipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad at sumunod sa mga umiiral na batas na namamahala sa mga pampublikong pagtitipon upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng publiko.
Itinatakda ng Batas Pambansa Blg. 880 o ang Public Assembly Act of 1985 ang mga patakaran at panuntunan sa pagsasagawa ng mga demonstrasyon na nangangailangan ng mga permit, alinsunod sa mga umiiral na batas.
Ayon pa kay Nartatez, inatasan nya ang mga police commander na tiyaking mananatiling naaayon sa batas, walang kinikilingan, at propesyonal ang lahat ng aksiyon ng pulisya sa buong panahon ng summit.