Nanawagan si House Speaker Faustino Dy III, sa mga mambabatas sa Southeast Asia na magkaisa sa pagsusulong ng mga isyung mahalaga sa kanilang mga nasasakupan at tiyaking maririnig ang mga ito ng mga lider ng ASEAN.
Sa pagbubukas ng 15th ASEAN-AIPA Leaders’ Interface parliamentary preparatory meeting, sinabi ni Dy na mahalagang mapalakas ang ugnayan ng mga sangay ng ehekutibo at lehislatura upang makabuo ng mas matatag at inklusibong komunidad sa rehiyon.
Bilang pangulo ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly o AIPA, binigyang diin niya na dapat magsilbing tulay ang mga parlyamento upang maiugnay ang mga hinaing ng mamamayan sa mga layunin ng ASEAN.
Umaasa rin siyang makakamit ang consensus sa mga usaping may magkakatulad na interes at pangamba ang mga bansa sa Southeast Asia.
Layunin ng preparatory meeting na pag-usapan at pagkaisahan ng mga delegasyon ang draft AIPA Message na ihaharap sa mga lider ng ASEAN sa 15th ASEAN-AIPA Leaders’ Interface ngayong araw, bilang bahagi ng 49th ASEAN Summit.