Pumasok sa isang kasunduan ang Department of Energy o DOE at ang Economic Research Institute for ASEAN and East Asia o ERIA upang palakasin ang suplay at seguridad ng kuryente sa bansa.
Nilagdaan nina Energy Secretary Sharon Garin at ERIA President Tetsuya Watanabe ang dalawang-taong Memorandum of Understanding kahapon, November 15, kasabay ng pagbubukas ng 49th ASEAN Summit.
Layon nitong gamitin ang research at teknikal na suporta ng ERIA para makabuo ng mas matatag, maaasahan, at abot-kayang sistema ng enerhiya sa Pilipinas, alinsunod sa Philippine Energy Plan 2023 hanggang 2050.
Kasama sa mga pag-aaralan ang pagpapalawak ng kuryente sa mga malalayong isla, at ang paggamit ng mga bagong teknolohiya gaya ng hydrogen, waste-to-energy, at small-scale liquefied natural gas o LNG.
Susuportahan din nito ang pakikilahok ng Pilipinas sa ASEAN Power Grid at ang paglipat sa low-carbon o mas malinis na enerhiya.
Ayon kay Secretary Garin, titiyakin nilang ang lahat ng desisyon at pananaliksik mula sa kasunduang ito ay magreresulta sa mas matatag na suplay ng kuryente at abot-kayang singil para sa bawat pamilya at negosyong Pilipino.